It is said that 12-year-old Mariannet Amper of Davao City committed suicide out of quiet desperation over her school absences, her inability to catch up with school work and the growing poverty of her family. Mariannet's diary and an unsent letter to 'Wish Ko Lang" were found tucked under her pillows. In her letter, Mariannet wished for a bicycle, a school bag and jobs for her parents.Pag-alaala kay Mariannet Amper
Panahon ng tag-lagas
nang dumapo sa aking isipan
ang iyong pangalan,
Mariannet Amper.
Saksi ako sa ritwal ng mga dahong
dahan-dahang nagsasayaw
hanggang sa ang hardin
ay natakluban ng dilaw,
kayumanngi
at pulang nahihimbing
habang pilit pa ring
tinatanto ng pangangatwiran
ang dahilan ng iyong paglisan.
Hindi ko ito agad naintindihan.
Siguro dahil sa hindi ko mapagtugma
ang imahen ng isang
labing-dalawang taong bata
at nylon rope.
Desperasyon, obsesyon, kombulsyon
separasyon, imahinasyon
walang-hanggang prosesyon
ng mga araw na nakabitin sa bangin
ng katiyakan.
Hindi ang kawalang-kasiguruduhan
ang nagtulak sa iyong magpumiglas
kundi ang katiyakan
na walang himbing kang makakamit
sa pagtulog,
walang magandang panaginip
kahit na ilista mo ang iyong mga pangarap
at itago sa ilalim ng iyong unan:
bisikleta
iskul bag
mas magandang trabaho
para sa iyong mga magulang.
Ay, Mariannet Amper —
labing-dalawang taong gulang
ng aking panahon —
tinitigan mo ang kahirapan
at ikaw ay nayanig!
Sino kami para ikaw ay hatulan?
Hindi sapat ang ligayang
naidulot sa iyo ng pag-aaral,
hindi sapat ang pagmamahal
ng kapatid o sakripisyo ng magulang.
Tinitigan mo ang kahirapan
at ikaw ay nayanig
sa katiyakan ng kanyang pangako.
Hindi sapat ang pinabaon naming pag-asa —
kaya mo pa ba kaming patawarin?
Sana’y makamtan mo na ngayon
Ang mailap na katahimikan.
Wala na kaming iba pang pabaon
kundi ang pangakong
hindi ka namin kalilimutan,
Mariannet Amper —
labing-dalawang taong gulang
ng aking panahon.Labels: desperation, Mariannet Amper, Philippine society, poverty, suicide